Monday, August 10, 2009

OFFLINE

namputsa! dalawang oras at kalahati ako naghintay sa bangko para lang mag deposit ng pera sa kadahilanan na OFFLINE sila. Kailangan ba talaga na ONLINE ang bangko para lang magawa ang mga transaksiyon nila over the counter?

sa pagkaka-alam ko, kapag naka network ang isang sistema, puwede pa rin magkakaroon ng transaksiyon locally doon sa bawat computer. kung OFFLINE man, dapat pinapatuloy ng bangko ang lahat ng transaction at pagkatapos kapag maging online ulit, saka na lang nila i-upload ang mga datos o transaksiyon. pero bakit di nila ginagawa iyun. anu ba ang sistema nila at bakit kailangan talaga na maging ONLINE?

sa bawat kinsenas, nararanasan ko ang ganitong pagkakataon kaya ayoko pumunta sa bangko sa mga ganitong petsa dahil sa kukulo lang talaga ang dugo mo. dadagdagan mo pa ang sistema nila sa queuing.

karaniwan sa mga bangko, meron silang number sa bawat kliyente para sa sistemang first come first serve. dito sa bangko namin, iba ang siste. pinapaupo nila mga kliyente sa mga nakahilerang upuan. walang problema ito kung "snake-like fashion" ang galaw. kaso military style. pinapaubos muna nila iyung isang row bago palipatin ang buong row sa likod ng katatapos lang na row. kaya kung saan ka nakatapat na upuan, duon ka uupo. ang problema ay kapag merong umalis na kliyente dahil dapat uupuan ng katabing kliyente iyung inalisan na upuan. kaso hindi, dahilan sa posibleng bumalik iyung umalis o di kaya tinatamad umabante ng kasunod na kliyente.

dahil sa tagal na mag ONLINE ng bangko, marami ngang umalis. ang nangyari, iyung mga bakanteng upuan ay inokupay ng ibang naghihintay. iyung nasa kaliwa ko lumipat doon sa tapat niya at iniwan ang envelope sa baka sakaling makabalik siya kung babalik din ang taong umalis sa harap niya. sa umpisa ok lang sa akin. pero ng umalis iyung nasa tapat ko, biglang lumipat iyung nasa liko ko. putcha, ang kapal. sinabihan kong mas nauna naman ako sa kanya pero nagbibingihan lang. kailangan ko ba siyang sigawan o saktan? hindi na. mas malaki sa akin eh. kung nakaka intindi siya dapat di na niya ginawa iyun.

ilang minuto pa ang nakaraan, kinuha ng babaeng nasa tabi ko na lumipat sa harap ang envelope niya. isa pang makapal. nadagdagan pa ang kakapalan niya ng sinabihan niya iyung babae sa likod niya na lumipat sa inalisan niya. lilipat sana iyung babae pero sinabihan kong mas may nauna sa kanya. magpaalam siya dapat doon sa uunahan niya. tiningnan din siya ng mga nakaupong nauna sa kanya kaya di niya itinuloy ang paglipat. sa isip isip ko, militar siya tapos iyun ang gagawin niya. pag ginawa niya iyun sasabihin ko talaga na pangit na halimbawa ang gagawin niya na iyun. nasaan ang disiplina at integridad na itinuturo sa kanila ng kanilang akademya?

ng mag ONLINE na, para na akong nabunutan ng tinik. matatapos na rin ang sakripisyo ko sa loob ng dalawang oras na paghihintay. isang paghihintay na puno ng realisasyon na kung gaano kamali, kagulo at kabulok ang sistema na umiiral hindi lang sa malaking korporasyon kundi sa karamihang tao. sabihin na nating walang perpekto pero di pa ba tayo natututo sa mga karanasan na paulit-ulit na nangyayari?

iyung mga tao na aking nakasama sa maiksing panahon na yaon, sila din marahil ang mga taong bumabatikos sa ating pamamahalaan at society araw araw dahil sa katiwalian. pero ano iyung kaugalian meron sila sa araw araw din nila na pamumuhay? ang pagbabago na inaasam ng mga tao na ito ay kailanman di makakamtan kung sila mismo ay di magbabago.

siguro mas maganda na i-OFFLINE natin ang buong sistema at huwag hayaang mag-ONLINE ulit kung di man lang nabago o naayos ito ng mabuti. ayusin muna iyung kaloob-looban ng sistema, ang hardware, software, operating system at people ware.

2 comments:

  1. ang pagbabago nga naman ay nagsisimula sa isang indibibwal. tama ka, karamihan sa atin ay mga garapal at mapanlamang sa kapwa, kaya kung nais natin ng pagbabago, dapat disiplina ang kailangan.

    buti na lamang hindi ka umalma doon sa isang malaki ang katawan. hehe. biro lang.

    ReplyDelete
  2. walang saysay na umalma pa ako doon. dedma na nga ng sinabihan ko na mas nauna ako sa kanya eh. makikinig lang siguro sa akin iyun kung bubugbugin ko siya. hahaha

    ReplyDelete