Friday, August 21, 2009

talangka

masarap ang talangka. maniniwala ka ba na isang daan at isa meron ang paraan sa pagluluto ng talangka. meron pinaanghang na talangka (spicy crabs) na patok sa mga kainan ng mga chino. ginataang talangka na patok sa mga bicolano. sinigang na talangka para sa mga mahilig sa sabaw. kinilaw na talangka para sa gusto ng kakaiba. pinaputok na talangka. krispy talangka at marami pang iba. pero pinakasimple ang sinaing na talangka. mabilis at sigurado na masarap.

narinig nyo na ba ang kataga na "you are what you eat?".. kung mahilig ba ako sa karne ng baboy. baboy rin ba ang asal ko? kung kumain ako ng karne ng manok. magiging isang kahig isang tuka ang buhay ko? kung mahilig ba ako sa karne baka? baka puro baka nalang mamuntawi sa bibig ko. baka yumaman ako, baka gumanda ang buhay ko, baka mabiyayaan ako, baka, baka, at baka.

siguro mahilig kumain ng talangka ang mga pulitiko? kasi puro asal talangka ang pinapakita nila sa ating mga kababayan. bakit kelangan siraan ang isa para lamang umangat ka? bakit kelangan mo pa gumamit ng isang kilalang pangalan para bumango ang pangalan mo? bakit kelangan mo magingay at bumangka sa mga usapin na makakasira sa iyong kapwa? bakit kelangan pakialaman ang hindi naman dapat pakialaman? bakit kelangan mo isisi ang ginawa NYO korapsyon sa iisang tao? maliit o malaki pagkokorapsyon. pagkokorapsyon pa rin yun.

sa mundo ng pulitika wala talagang tama sa mga ginawa ng kapwa nila pulitoko. sa bawat kimot na gagawin ng isa, sisiraan agad at sasabin dapat ganito dapat ganun. kelangan magpabida, kelangan magpagwapo, kelangan magingay para masabi na meron sila malasakit sa mga kababayan natin. minsan natatawa nalang ako sa komentaryo ng mga pulitiko. nagsalita pero nakakabobo naman ang komento. kung wala ka rin lang sasabihin na maganda sa kapwa mo, mas mabuti ata na tumahimik ka na lamang.

tuwing umaga na sumasabay ako sa serbis ng aming kompanya, meron isang pulitiko na lagi ang komentaryo sa radio tungkol sa pangulo at sa kanyang gobyerno. minsan narinig ko na, sa halip na kung saan saan ginagatos ng gobyerno ang kaban ng bayan. bakit hindi raw tulungan umahon ang mindanao. bakit hindi raw gamitin ang ekta-ektaryang lupain ng mindanao. taniman raw ng mga puno. nakalimutan ko na ung puno na nasambit ng pulitiko. dapat raw na pagtuunan ng pansin at panahon ang ating agrikultura. sangayon ako sa sinambit ng pulitiko. pero napagisip-isip ko, bakit kelangan pa magingay ng pulitiko na ito? kung gusto nya talaga na tumulong, tumulong siya na bukal sa kanyang puso. gawin nya ang sinambit nya at wag puro salita. tulungan niya makaahon sa hirap ang mga magsasaka. huwag na niya antayin na gawin siyang presedente bago niya gawin ang namuntawi sa kanyang mga labi. tama na. nakakabingi ka na. umaksyon ka nalang at wag puro salita.

sa radio ulit. isa rin pulitiko ang nagtanong sa gobyerno, saan raw napupunta ang mga ibinabayad sa philhealth ng mga empleyado ng gobyerno. ayon sa pulitiko na ito mula 2001 pa raw hindi nagbabayad ang gobyerno. ANU?? 2001 buti at buhay pa ang philhealth? paano nakakapagreimburse ang mga nagkasakit na kawani ng gobyerno? may katotohanan ba ang sinasabi ng pulitiko na ito? tinawagan ko ang kaibigan ko na nagtatrabaho sa isang ahensya ng gobyerno. ayun sa kaibigan ko, ito ay pawang walang katotohanan dahil nakakabayad naman raw ang kanilang ahensya sa philhealth. hindi raw maiiwasan pero minsan may pagpapaliban ang pagbabayag ng kanilang ahensya sa philhealth, pero matagal na raw ang dalawang buwan. sa pulitiko na ito. huwag ka gagawa ng ganung komento sa radio at nakakairita ito na pakinggan. kung meron ka nalalaman na ahensya ng gobyerno na hindi nakakapagbayad sa philhealth, tumbukin mo ang pangalan ng ahensya at panindigan mo ng buong tapang. hay kaawawa ang pulitiko na ito. kelangan pa niya magsinungaling para lang makapagsalita sa radio. tumahik ka na rin lang kaya. at utang na loob huwag ka rin tatakbo ng pagkapresedente. kasi magkapatid raw ang sinungaling at magnanakaw. maawa na naman sa mga kababayan natin.

bakit nga kelangan ng pangulo na pumunta sa ibang bansa? ang pagkakaalam ko ay para maghimok ng mga dayuhan para magpuhunan sa ating bansa at makalikha ng trabaho para sa mga pilipino at maiahon ang ating ekonomiya. nakatulong ba? para sa akin OO at OPO. namuhunan ang mga dayuhan dito sa ating bansa at nakalikha ng maraming trabaho. isang halimbawa. ung tinatawag na cyber corridor. ito ay mula luzon hanggang mindanao. ito ang mga trabaho para sa mga kababayan natin meron talento, mga kababayan na kayang ibenta ang kanilang nalalaman (knowledge base). hindi pinaguusapan ang kung anu ang natapos mo sa kolehiyo o kung nakatapos ka man ng highschool. hindi pinaguusapan kung may kapansanan. walang edad. kahit sino basta may nalalaman at may kakayahan malaman ang teknikalidad ng serbisyo sa sayber. sa pagaaral ng CICT sa pilipinas. tayo ay nakasama sa top 5 na bansa na nagbibigay ng serbisyo sa malawak na mundo ng sapot (world wide web) at pangalawa sa pinakamagaling sa larangan na ito.

eh bakit marami pa rin sa pilipino ang walang makain? namputsa naman. pati ba naman ito iasa pa sa presidente. tanong ko lang, kung ikaw ba eh walang tenga, maghihikaw ka ba? hindi di ba. kung ikaw eh walang mga daliri magsusuot ka ba ng singsing? hindi rin di ba. kung hindi rin ang sagot mo sa tanung na nagtratrabaho ka ba?. magisip-isip ka nga. yun eh kung me isip ka? ang lola nga ng matalik ko na kaibigan nabuhay ng 93 years old sa kabukiran. hindi umasa ang lola sa pera o luho na pwede ibigay sa kanya ng kanyang mga apo. nagsumikap na magbungkal ang lola sa maliit nya na hardin. sabi nga ng lola. malawak at mataba ang lupa. kung magiging masipag at matiyaga ang bawat isa na magtanim walang magugutom na pilipino. kung gagawin mo lang ng literal ang sinabi ng lola. pwede rin. sigurado hindi hindi ka magugutom at sigurado ung mga sobra sa pananim mo eh ibebenta mo sa kapitbahay para meron ka pambili ng mga kung anung luho meron ka. pero kung gusto mo pa ng malalim na kahulugan sa sinambit ng lola. kung me tiyaga me nilaga. kung me isinuksok me mahuhugot. kung me tinanim me aanihin. at kung anu anu pang kasabihan na meron ka.

eh bakit umabot ng ganun kalaki ang gastos ng pangulo sa pang-iibang bansa nya? simple lang ang sagot dyan. kasi maliit ang halaga ng piso sa bansang pinuntahan ng presidente. santisima de kebarbaridad! nakakahiya ang mga pagaaway na ginagawa ng mga pulitiko at pagpapasilab ng mga media sa usapin na ito. hindi ba nila alam na pinagtatawanan tayo ng ibang mga bansa sa mga inaasta nyo. napakaliit ng halaga na ginastos ng presidente sa ibang bansa. wag mo na icompute sa piso yan. at baka ikabaliw mo pa yan. sabi ko nga maliit kasi ang halaga ng piso. hindi naman kasi pwede na mag-isa lang na pumunta ang pangulo sa ibang bansa. lagi at dapat na meron siya dala singkatutak na entourage. at bawat kasama sa entourage may mga bitbit rin yan na maliit na entourage. at dapat kasama rin dyan ang mga PSG. at bago pa man pumunta ang presidente sa bansang yun. meron na mauuna para maisaayos ang tutuluyan at pagkakainan ng presidente at ng kanyang entourage. at maghire rin yan ng mga security dun sa bansang pupuntahan. at kung anu-anu pa. kaya sabi nga sa ingles "do your math"

eh bakit sa mamahaling restaurant kumain ang pangulo? tinamaan ka naman ng magaling! eh isang leader ng bansa ang papakainin mo, nararapat lamang sa isang magarbo at bongang-bonga restaurant mo siya pakainin. anung gusto mo? makita ang presidente na kumakain sa mc donalds o kaya kung saan saan lang. di ba meron na umamin kung sino ang gumastos talaga ng kinainan ng presidente at ng kanyang entourage. at nagpaliwanag na rin siya kung bakit siya ang gumastos. kaya pwede ba tigilan nyo na ang usapin na ito at mag-dalawang lingo na itong laman ng balita. nakakasawa na. nakakabingi na. tama na ang pagputok ng tumbong mo. palibhasa kaya ka nagkakaganyan kasi hindi ka kasama sa entourage ng pangulo. belat!

tulad ng sinabi ko ang pagiibang bansa ng pangulo ay para mag-alok ng posibilidad na investor para sa pilipinas. mas malaki ang maibabalik na halaga sa pilipinas kung sakali na maginvest ang mga dayuhan. tila barya lang ginastos sa pagiibang bansa ng pangulo. sabi nga long-term investment para sa pilipinas. dito mo mapagtatanto ang pagiging economista ng pangulo.

naging mahusay na pangulo ba si GMA? ang sagot ko ay OO. kung titingnan mo. medyo mali ang pagkakataon na naging pangulo si GMA. kasi sa pagupo sa posisyon ni GMA hanggang ngayun ay nasadlak sa panget na economiya ang buo mundo. pati ang malakas at makapangyarihan na bansa ay nakaranas ng paghihirap sa kanilang economiya. kaya tigilan mo na ang pagiisip na naghihirap ang pilipinas dahil ke GMA. naghihirap ang economiya ng pilipinas dahil naghihirap ang buong mundo. kaya magisip ka ng paraan para makatulong sa pilipinas hindi kung anu anong paninira ang ginagawa mo sa kapwa mo. sabi nga ng mga capitalista. walang makakagawa sa mga nagawa ni GMA sa pilipinas... parang ganun hehehe

kaya sa mga nangangarap na pumalit sa pwesto sa pagka-pangulo. "may the force be with you" at malampasan mo pa sana ang mga nagawa ni GMA. wag naman sana sa pagpapayaman. tnm!

anung koneksyon ng talangka at pulitiko? malaki. sa inaasta. sa ikinikilos. sa mentalidad. kaw nalang mag-isip, alam ko marami ka pa masasabi. talangka talangka sa langit ang tamaan, guilty! tnm!

sa haba ng naisulat ko. hindi ko na alam kung paano ito tatapusin. kaya bigla nalang ito mawawala. :D peace.

5 comments:

  1. ano masama kung kumain si GMA sa mcdo? since nasa US naman sya dapat binisita na lang nya yung Jollibee dun at dun sya nag chicken joy, malamang matuwa pa mga pinoy, dba nga tangkilikin sariling atin, haha

    ReplyDelete
  2. hahaha. gagawin mo ba iyun kung may pera kang pangkain sa kenny rogers? kung bawat pilipino (lalo na ang mga mayayaman) ay nag-iisip sa kanyang ginugutom na kababayan, wala kang makikitang kumakain sa mga mamahalin na restoran. kahit na ang mga pulitiko na iyan dapat sa jolibee na rin kumain.

    wala lang. hehehe

    ReplyDelete
  3. yun ang dapat ipatupad ni GMA, ang tanggalin lahat ng mamahalin restorant at puro jollibee na lang hahahaha!

    daanin na lang natin sa tawa.

    ReplyDelete
  4. hahaha. ay agree ako diyan. tanggalin lahat ng mamahalin na restoran. ako nga, dapat lahat ng kainan tanggalin para sa bahay na lang kakain lahat. mapapatibay pa ang family system natin. hehehe

    ReplyDelete
  5. mula sa problema na naiwan nung sinundan nyang lider tapos idagdag mo pa ang global recession ngayon, tama, sa tingin ko nga, wrong timing ang pagiging presidente ni GMA.

    ang nakakadagdag pa sa problema eh, naghihilahan ang mga pulitiko pababa. makakita lang ng konting dumi, binabato kagad. di na lang sila magtulungan. naguunahan sila sa tuktok eh. isa lang ang presidente pero 80 million tayo. at kung ano mang perwisyo meron sa buhay, sa kanya kagad sinisisi. tsk, ayan, eleksyon na naman, sana lang, kung sino man yung susunod, magawa nyang pagisahin ang pinas tungo sa kaunlaran.

    ReplyDelete

Powered By Blogger